Home Slider

To get quicker replies to your questions, please email anihanschool@gmail.com or info@anihanschool.com

Thursday, April 14, 2011

The Road to Success: Anihan Gaduates' Stories (Part 2 of 2)

Anihan Technical School held its 24th Commencement Exercises on April 8, 2011. The Guest speakers who gave the inspirational messages on that special day were two Anihan alumnae who graduated in 2006. Both did their on-the-job-training in The Palms Country Club and were immediately employed by the same establishment after their graduation. Below are excerpts of the second speech:


Ma. Erika Caguicla, Commis 1
Nishijin Japanese Restaurant, The Palms Country Club



Ako po si Ma. Erika Caguicla, Anihan Graduate. Hayaan nyo pong ibahagi ko sa inyo ang masasabi kong pangarap ko na ngayon na natupad, ang humarap sa mga kabataan na nagsisipagtapos kasama ng kanilang mga magulang upang magsilbing inspirasyon at mabuting ehemplo, na nagmula mismo sa aking karanasan.

Bata palang po ako, mapangarapin na ako. Ito po siguro ay sa dala na rin ng sitwasyon namin sa buhay. Lumaki po ako sa isla sa probinsya sa QUEZON kung saan ako nagtapos ng high school... Tumigil ako ng dalawang taon at sa mga taon na iyon pumasok ako ng trabaho sa Chowking dito sa Calamba bilang cashier. Tiniis ko na malayo sa pamilya at makitira sa taong hindi ko kakilala para kumita ng pera at kahit konti ay makatulong. Hanggang sa dumating ang magandang pagkakataon na hindi ko inaasahan, ang makapasok ako sa Anihan...

...Naging working student po ako, nag-aaral sa maghapon at pagdating ng 5 p.m. dapat nasa trabaho na ako bilang cashier... Kinailangang gumising ng maaga kinabukasan para mag-ayos ng bahay sapagkat ako'y nakikitira lamang. Mahirap pumasok ng medyo basa pa ang uniporme, inaantok sa oras ng klase, mag-cash advance para may pamasahe at pang-ambag sa school (para sa ingredients). Iniisip ko na lang na para ito sa pamilya ko at syempre sa pangarap ko.

Matagumpay kong natapos ang aking pag-aaral dito sa Anihan sa tulong narin ng mga taong laging gumagabay. Dala ng pagsisikap ako'y kinuha ng kumpanya kung saan po ako nag-OJT kasama nang iba ko pang kamag-aral upang doon ay magtrabaho, ito po ay ang The Palms Country Club, na hanggang sa kasalukuyan ay maglilimang taon na. Sa aking pagtatrabaho hindi pala pwedeng basta ka lang papasok at kikita ka na ng pera.  Hindi ganun kadali at napatunayan ko na...

Sa una pa lang, ako ay na-assign na sa Nishijin Japanese Restaurant ng club... Kahit na ako’y nag-iisang babae nagpursige akong makipagsabayan sa mga kapwa kong kusinerong mga lalaki.  Andyan na ipina-memorize sa akin ang mga salita sa hapon na aaminin kong hindi ko agad naintindihan... ang masigawan sa harap ng guest na kumakain... ang magkatay ng isda na mas mabigat at malaki pa sa akin.  Hindi po masamang umiyak, umiyak ako noon hindi dahil sa ako ay sumusuko na o ayaw ko na. Ang pagluha ko ay katumbas lang ng lalo kong pagmamahal sa trabaho ko... Nasasa-akin nalang po kung paano ko po ito dadalhin, sa positibo ba o sa negatibong pananaw.

Ngayon ako na ang kanang kamay ng Chef sa Nisijin Japanese Restaurant ng The Palms Country Club... Effective talaga ang pagdarasal ko sa loob ng elevator bago magsimula sa araw-araw ng aking buhay at pagtatrabaho.  Maraming salamat sa Panginoon.

Patuloy parin ang aking pagsisikap para sa pamilya ko kasi po ang kaligayahan ko ay makitang masaya ang magulang ko at maging mabuting halimbawa sa mga kapatid ko.

Sa mga magsisipagtapos ngayon, libre ang mangarap. Ang mahalaga ay samahan natin ito ng dasal, dedikasyon at pagsisikap. Hangad ko rin na tulad ko, ang pangarap niyo ay matupad niyo!

Muli, binabati ko kayo ng MALIGAYANG PAGTATAPOS! CONGRATULATIONS!
 (Click this to go to Part 1)

MORE ANIHAN NEWS